-- Advertisements --

Idineklara na ng Korte Suprema na isang banta sa “right to life, liberty, and security” ng isang tao ang red-tagging, vilification, labeling, at guilt by association.

Ito ay base sa ruling ng Supreme Court En Banc na isinulat ni Associate Justice Rodil V. Zalameda kung saan pinaburan nito ang pag-isyu ng writ of amparo sa aktibista at dating Bayan Muna partylist Representative na si Siegfred Deduro.

Sa petisyon ni Deduro para sa Writ of Amparo, sinabi nito na nagkaroon ng presentasyon ang militar na tinuturo siya bilang parte ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army o CPP-NPA. Ibinunyag din nito na may mga hindi kilalang indibidwal ang nagmamatyag sa kanya. 

Una ng ibinasura ng Iloilo Regional Trial Court ang petisyon ni Deduro para sa Writ of Amparo dahil hindi raw sapat na dahilan ang red-tagging para makonsidera na may banta sa kaniyang buhay, kalayaan, at seguridad. 

Ngunit pinaburan ng Korte Suprema si Deduro dahil nakakita sila ng prima facie evidence kung saan nakasaad dito na ang red-tagging ay nagdudulot nga ng banta sa buhay, kalayaan, at seguridad ng isang tao. 

Base sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema sa naturang kaso, ang red-tagging ay ang pagbabanta at pananakot para pigilan ang subversive activities. 

Ito rin ay ang pag-akusa na ang isang tao o organisasyon ay may kaugnayan sa komunista o teroristang grupo na kalimitang nararanasan ng mga aktibista o miyembro ng progresibong grupo. 

Ayon sa Korte Suprema, kinikilala ng international organizations ang red-tagging bilang paraan ng harassment at intimidation. Idinagdag pa nito na ang mga taong nare-red-tagged ay nakararanas ng surveillance, direct harassment, at may ilang kaso pa raw ng pagkamatay. 

Ipinunto rin ng kataas-taasang hukuman na kapag na-red-tagged na ang isang tao ay nagiging target na ito ng vigilantes, paramilitary groups, at maging ng state agents kaya nakararamdam ang mga ito ng takot na malagay sa alanganin ang kanilang seguridad at buhay.