Palalakasin pa ng pamunuan ng PNP Administrative Support for COVID-19 Task Force (ASCOTF) ang kanilang “Red Teaming Operations” para matiyak na nasusunod ng bawat miyembro ng kapulisan ang Minimum Public Health Standard (MPHS), para hindi na maulit ang nangyari sa Quezon City Police District (QCPD) kung saan 82 personnel sa Station 3 ang nahawaan sa nakamamatay na virus.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP The Deputy Chief for Administration (TDCA) at Administrative Support for Covid-19 Task Force (ASCOTF) commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, sinabi nito na dadalasan na ng mga Red Teams ang kanilang inspection ng sa gayon mapaalalahanan ang mga police personnel na istriktong sumunod sa MPHS.
“Actually Anne individual responsibility na kase yung observance of MPHS especially once umuwi mga kapulisan natin sa kani-kanilang bahay. In the work place we have red teams which periodically check on their compliance to MPHS. As of now we have no idea pa kung saan or kanino sila nahawa. Kung pwede nga lang sana mas dalasan pa ang frequency ng regular testing ng RT-PCR for early detection but due to limited resources hindi natin ito nagagawa. We may need to intensify yung aming red teaming operations as well as yung constant reminders sa aming mga kapulisan to observe MPHS even at home for their own safety,” mensahe pa ni Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Aminado ang heneral na nakababahala ang nangyari sa QCPD kung saan higit 80 police personnel ang nahawaan ng virus.
Paniniwala ni Vera Cruz, posibleng naging kampante ang mga pulis dahil fully o partially vaccinated na ang mga ito.
Dagdag pa ng opisyal, hanggang sa ngayon marami pa rin sa kanilang hanay ang hindi pa rin nai-internalize ang pagsunod sa minimum public health standard (MPHS).
“Nakakaalarma siguro in the sense na sa mahigit na 1 taon na natin into this pandemic, marami pa rin sa ating hanay ang hindi pa lubos na na-internalize yung pagsunod sa MPHS maybe because some of them were already fully or partially vaccinated kaya naging complacent sila. Ang vaccine naman do not give us 100% protection from the virus but it can protect us from severe infection. Kaya nga sa pagkakaalam ko yung 82 na nag positive sa QCPD ay mga asymptomatic. Kaya nga inuulit ulit natin ang paalala sa ating mga kapulisan ang pagsunod sa MPHS which is the only full proof measure to break the virus transmission,” giit ni Vera Cruz.
Batay sa mga isinagawang inspection ng mga Red Teams may mga naitalang pagkukulang o defects, subalit agad naman ito nako-correct, sa kabuuan compliant sa MPHS ang ibat-ibang police units.
“Sometimes may mga defects noted during inspection pero na re-react naman sila to correct the defects noted. But generally, sumusunod naman lahat ng mga units natin need lang talaga dalasan ang red teaming opns para hindi sila makalimot,” ayon pa kay Vera Cruz.
Sa ngayon hinihintay pa ang PNP ng resulta kung anong variant ng COVID-19 ang tumama sa mga kapulisan ng QCPD.
“Wala pa naman. Ang alam ko DOH/UP-Phil Genome Center/NIH ang nag co-conduct ng genome sequencing kaya hindi ganun kabilis malaman kung ano variant tumama sa kanila,” ani Vera Cruz.