-- Advertisements --

Positibo sa red tide toxins ang dalawang coastal town ng Pangasinan, batay sa latest laboratory analysis na inilabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Kinabibilangan ito ng mga bayan ng Bolinao at Anda, kapwa mga bayan na nakaharap sa Lingayen Gulf.

Sa isang liham mula kay BFAR Region 1 director Rosario Segundina Gaerlan kay Pangasinan Governor Ramon Guico III, nakasaad dito na ang mga shellfish meat sample na nakolekta mula sa mga sea waters ng Bolinao at Anda ay pawang nagpositibo sa red tide toxins.

Dahil dito, pina-iiwas ng BFAR ang mga residente at mangingisda sa lugar mula sa pangongolekta, pagbebenta, at pagkain ng mga shelfish at mga alamang dahil sa bantang dulot ng red tide sa kalusugan.

Ang dalawang nabanggit na bayan ay humigit-kumulang 100 kilometro ang layo mula sa Dagupan City, ang kinikilalang ‘Bangus Capital of the Philippines’, ang pangunahing nagsusuplay ng bangus sa malaking bahagi ng bansa.

Una na ring naglabas ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng red tide alert para alertuhin ang publiko ukol sa lumabas na findings ng BFAR.