NAGA CITY – Nadaan na lamang umano sa pakiusap ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) Regional Office Region 5 ang mga officiating officials na nangunguna sa larong soccer sa nagpapatuloy na Palarong Bicol 2019 matapos magkagulo ang mga manonood nitong nakaraang Martes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kevin Arroco, project development officer ng DepEd-Bicol, sinabi nitong nagdalawang-isip na humawak ng laro ang mga referee dahil sa naramdamang takot matapos ang pangyayari.
Sa gitna ng laro ng Masbate City at Camarines Sur nagkagulo ang mga manonood matapos na mauwi sa draw ang resulta ng laro at sa paniniwalang nagkaroon ng dayaan.
Agad umanong umalis ang mga referee sa lugar sa takot na kuyugin ng mga tao dahil sa mga naririnig na komento kaugnay ng nasabing laro.
Matapos nito, nagpatawag aniya ng pulong at nilinaw ng referee sa mga delegates ang resulta ng laro at mismong ang Masbate delegates na umano ang nagpaliwanag sa mga manonood.
Samantala, mai-extend aniya ang schedule ng nasabing laro dahil kahapon lamang ito nag-resume matapos ang pansamantalang pag-suspend sa laro.
Kaugnay nito, nilinaw ng opisyal na hindi naman itinuturing ng pamunuan na seryosong problema ang nangyari at binigyan-diin na walang dapat ipag-alala dahil manageable naman aniya ang nasabing sitwasyon.