LAOAG CITY – Maiging sinusunod ng mga residente kasama ang ilang mga Pilipino sa Rwanda, East Africa ang mga patakaran matapos ideklara ang total lockdown noong Marso 15, ngayong taon dahil sa COVID-19.
Sa eksklusibong panayam kay Dr. Jonathan Calbayan, ng Rwanda, nag-iisang Pinoy public health officer sa ilalim ng United Nations High Commissioner for Refugees, mahigpit ang pagpapatupad sa mga regulasyon dahil ikukulong ang mga mahuhuling violators.
Sinabi ni Dr. Calbayan, nakapagtala ng gobyerno ng Rwanda ng 249 COVID-19 cases at 109 ang mga nakarekober sa virus habang walang naitatalang patay.
Samantala, mahigpit din ang pagbabantay at pagsasagawa ng screening sa mga kampo ng halos 150,000 refugees at asylum seekers upang walang mahawaan ng coronavirus.
Dagdag ni Dr. Calbayan na ang mga truck drivers na pumapasok sa Rwanda ang pangunahing idinadaan sa screening ng COVID-19.
Nabatid na 50 mga Pilipino lamang ang nasa Rwanda na nagtatrabaho sa ibang mga International Organizations.