-- Advertisements --

Inapubahahan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang regulatory reset fee —na bahagi nang kinokolekta o sinisingil ng mga private electric service company sa mga konsyumer nito mula pa noong 2015.

Ang desisyong ‘to ay ginawa matapos maglaan ang gobyerno ng pondo para sa mga consultant na hindi naman nagamit. Bagamat hindi pa inilalabas ng ERC ang opisyal na listahan ng mga utility na apektado, inaasahan na kabilang dito ang mga pangunahing kumpanya tulad ng Meralco, VECO, Davao Light, at Cepalco.

Para sa Meralco, tinatayang ang refund ay P0.22/kWh at makikita ito sa bill sa February 2025. Maaaring makatulong ito upang ma-offset ang posibleng pagtaas ng singil na may kinalaman sa recovery ng mga gastos ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa mga ancillary services.

Gayunpaman, hindi pa sinasabi ng ERC ang eksaktong halaga ng refund para sa iba pang mga utility.

Bukod sa regulatory reset fee refund, inaasahan ding magbibigay ng refund ang Meralco mula sa mga over-collection nito simula pa noong 2022, na kasalukuyang nire-review ng ERC.

Inanunsyo ng Meralco na aabot sa P16 billion ang refund, ngunit iginiit ng grupong NASECORE na responsibilidad ng ERC, at hindi ng Meralco, ang pagkalkula ng tamang halaga ng refund batay sa mga datos na mayroon ang komisyon.

Samantala, Nagbigay na ng tatlong refund ang Meralco mula noong 2012, ngunit tanging P0.03/kWh lamang ang ibinaba ng kanilang mga singil. Dahil hindi nagkaroon ng rate reset sa loob ng mahigit isang dekada, nakatakda ang ERC na magsagawa ng bagong rate reset sa 2025, ngunit hindi pa rin nailalabas ang pansamantalang rate para sa Meralco habang tinutukoy pa ang final average distribution rate para sa bagong regulatory period na magsisimula naman sa 2025 hanggang 2028.