CAUAYAN CITY – Nakahanay ngayon ang lambak ng Cagayan sa Moderate Epidemic Risk sa COVID-19.
Batay sa datos ng DOH Region 2, ang moderate classification ay hindi bababa sa pito sa bawat isang daang libo na populasyon ang nagpopositibo sa COVID-19 sa loob ng isang araw sa nakalipas na dalawang linggo at kabilang dito ang Cagayan at Nueva Vizcaya.
Nasa Low Risk Epidemic ang lalawigan ng Isabela, Quirino at Santiago City na nakakapagtala ng isa hanggang pito sa bawat isang daang libo na populasyon sa loob ng isang araw sa nakalipas na dalawang linggo.
Habang ang lalawigan ng Batanes ay nasa Minimal Epidemic Risk na mas mababa sa isa sa bawat isang libo na populasyon ang nagpopositibo sa COVID-19 sa loob ng isang araw sa nakalipas na dalawang linggo.
Tinukoy ng DOH Region 2 ang mga lalawigan, bayan at lunsod na may community at local transmission ng COVID-19 sa Region 2.
Nananatili namang may community transmission ng virus ang Tuguegarao City, bayan ng Aparri sa lalawigan ng Cagayan, lunsod ng Ilagan, Cauayan City, Santiago City, bayan ng Tumauini at Cabagan sa Isabela, bayan ng Solano sa Nueva Vizcaya at bayan ng Maddela sa lalawigan ng Quirino.
Mayroon namang local transmission ng COVID-19 sa bayan ng Solana sa Cagayan habang ang bayan ng Dinapigue sa Isabela.
Tinukoy din ang 2nd Quirino Provincial Mobile Force Company, Solana Fire Station sa lalawigan ng Cagayan na mayroong local transmission sa mga workplace area.
Sa pinakahuling datos ng DOH Region 2, nasa 8.09% o katumbas ng 3,310 ang aktibong kaso, 89.42% o 36,547 na ang gumaling, at 2.44% o 998 ang nasawi.