CAUAYAN CITY – Isinailalim na sa red alert status ang Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CVRDRRMC) bilang paghahanda sa bagyong Ramon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Jane Airien Torres Reyno ng Office of Civil Defense (OCD)-Region 2 na kasama ang kanilang tanggapan at iba’t ibang rehiyon ng bansa sa isinagawang pre-disaster risk sssessment na isinagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bilang paghahanda sa bagyo.
Pinag-usapan ang paghahanda ng bawat rehiyon at lalawigan na dadaanan ng nasabing sama ng panahon.
Sinabi pa ni Reyno na nagsagawa na rin ng pagpupulong para paghandaan ang bagyo ng mga lalawigan ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, at Batanes habang ang Cagayan ay isasagawa ang pagpupulong ngayong araw ng Huwebes.
Kinakailangan aniyang maghanda ang Rehiyon 2 dahil dito dadaan ang bagyong Ramon.
Kaugnay nito ay inatasan na ng OCD ang Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council na panatilihin ang red alert status upang mapaghandaan ang bagyo.