CAUAYAN CITY – Mahigpit ngayon ang paalala ng Regional Anti-Cybercrime Unit 2 sa publiko na huwag maniniwala sa mga natatanggap na notification na mula sa mga umano’y nag-aalok ng assistance na ahente ng isang service provider.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Rovelita Aglipay, Assistant Chief ng Regional Anti-Cybercrime Unit 2, sinabi niya na tila naglevel up na rin ngayon ang mga scammer dahil gumagamit na sila ng pekeng profile na kahalintulad ng mga lehitimong service provider.
Aniya, modus ng mga nagpapanggap na service provider na kunin ang account information at OTP ng biktima na gagamitin sa umano’y verification process.
May natanggap na rin silang reklmo mula sa isang security guard na nabiktima ng ganitong modus.
Batay sa biktima nagkaroon ng problema sa kanyang account at nakatanggap siya ng notification mula sa isang agent ng isang service provider at nag-alok na tutulungan na makuha o mabawi ang kanyang pera.
Hiningi sa kanya ng ahente ang kanilang inpormasyon at One-Time-Pin (OTP) subalit sa halip na mabawi ang P800 ay nilimas nito ang laman ng kanyang account na nagkakahalaga ng halos P3,000.
Nagmakaawa pa ang biktima na ibalik ang pera na gagamitin niya para sa pagpapagamot ng anak na may sakit subalit hindi nagpatinag ang scammer.
Dahil sa lumalalang problema sa pang-iscam ay nagpapaalala ang Regional Anti-Cybercrime Unit 2 sa publiko na huwag maniniwala sa mga nagpapanggap na ahente ng bangko o ano mang service provider.
Payo nila sa mga may problema sa kanilang account na magtungo na lamang sa physical store o sa mismong bangko para masigurong lehitimo ang transaction.