Tuluyan nang niratipikahan ng mataas na kapulungan ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na sinasabing pinakamalaking trade agreement.
Sa pamamagitan ng 20 affirmative votes, one negative vote at one abstention, inaprubahan ang Senate Resolution 485 kaugnay sa ratipikasyon ng paglagda ng Pilipinas sa RCEP.
Nagpahayag naman ng pagtutol at nag-“No” sa kasunduan si Senator Risa Hontiveros dahil hindi aniya siya kumbinsido na hindi ipinapahamak sa RCEP ang kalusugan ng mamamayan kaugnay sa tobacco at formula milk advertisements.
Sinabi ni Hontiveros na kahit may batas pa ang bansa na ipinagbabawal ang tobacco at formula milk advertisements ay posible pa rin itong maging kwestyonable sa ilalim ng RCEP.
Hindi rin aniya siya kumbinsido na makabubuti sa bansa ang RCEP lalo pa’t mayroon aniyang sulat ang 131 na organisasyon mula sa iba’t ibang grupo partikular na ang mga magsasaka at health advocates na naniwalang hindi pa handa ang bansa sa RCEP at hindi pa ito panahon para makiisa rito ang bansa.
Samantala, Hiniling naman ni Senator Alan Peter Cayetano sa mga sponsor ng RCEP Agreement na bantayan nang mabuti ang mga sektor na maaaring maiwan kapag niratipikahan ng Senado ang free-trade agreement sa Asia-Pacific region.
Noong nakaraang linggo, nagpaalala na si Cayetano sa Executive Department na idagdag ang mga safety net at capacity-building measures bilang kanyang kondisyon upang suportahan ang partisipasyon ng bansa sa RCEP.
Inulit ito ni Cayetano sa kanyang interpellation at nagpaalala na maaaring ang mga sektor ng agrikultura at paggawa ay maiwanan at maapektuhan ng RCEP.
Hinimok din ni Cayetano ang mga sponsor ng panukala at ehekutibo na isama sa plano ang budget upang mapaigting ang mga kapabilidad ng mga Pilipino para makakuha sila ng mas mataas na sahod at upang mas competitive sila sa ilalim ng RCEP deal.
Ipinaliwanag naman ni Senator Imee Marcos na ninanis niyang hindi makilahok sa botohan, hindi bilang kapatid ng Pangulo ng bansa at kung hindi bilang anak ng legasiya ng kanyang ama na laging unahin ang maliliit, ang mga nagsasaka ng lupa at lahat ng nangangailangan.
Iginiit ni Marcos na naniniwala siya na hanggang sa ngayon ay bigo pa ring maiangat ang buhay ng mga magsasaka.
Bagama’t nag-interpellate sa RCEP, absent si Senador Chiz Escudero sa oras ng botohan habang hindi dumalo sa sesyon si Senador Pia Cayetano.