CAUAYAN CITY – Bumuo ng Regional Crisis Management Team ang Department of Agriculture (DA) Region 2 upang mapigilan ang pagpasok ng African Swine Fever (ASF) sa rehiyon.
Katuwang ng DA Region 2 sa binuong Regional Crisis Management Team ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), Philippine National Police (PNP) at Local Government Units (LGUs) upang mapigilan ang pagpasok ng ASF sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Narciso Edillo ng DA Region 2 na kailangan nilang maghigpit upang matiyak na hindi makakapasok ang carrier ng ASF upang hindi maapektuhan ang mga nag-aalaga ng baboy.
Nagdagdag na ng mga personnel ang DA na magbabantay mga inilatag na checkpoint sa mga entry points sa rehiyon sa Nagtipunan, Quirino; Kayapa at Sta. Fe sa Nueva Vizcaya; sa Sta. Praxedes, Cagayan; Cordon at San Pablo sa Isabela gayundin sa mga airport at seaports.