-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Binuwag na ng Police Regional Office Cordillera (PROCOR) ang Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) nito matapos ang di umano’y
pagkakasangkot ng dalawang personnel ng nasabing yunit sa pag-kidnap at pagpatay sa isang binata na residente ng Baguio City nitong nakalipas na buwan ng Nobyembre.

Kasabay nito ang pangako ni PROCOR regional director PBGen. R’Win Pagkalinawan na makakamit ang hustisya para sa biktimang si Harjan Lagman, 25-anyos ng Irisan, Baguio City.

Una rito, kinumpirma ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong at ng Baguio City Police Office na dalawa sa mga suspek sa krimen ay mga personnel ng RDEU ng PROCOR.

Sinabi ni Gen. Pagkalinawan na nabigla at nalungkot ito dahil nagawa ng mga kasama nilang pulis ang brutal na krimen, kung saan pinugutan pa ng ulo ang biktima.

Bumaba din aniya ang moral ng buong pwersa ng pulisya sa Cordillera dahil dito bagaman iginiit niya na sila din mismo na mga pulis ang nag-imbestiga, kumilala at magsasampa ng kaso laban sa mga suspek, kabilang na ang dalawa nilang kasamahan sa serbisyo.

Sa ngayon, dinis-armahan na at nasa restrictive custody ng PROCOR ang dalawang pulis bagaman mahigpit na itinatanggi ng mga ito ang kanilang koneksion sa krimen.

Iginiit din nito na isolated incident ang kaso at hindi nila kukunsintihin at pababayaan ang anumang mali o labag sa batas na gawain ng kanilang mga kasamahang pulis.

Dinagdag nito na sa kabila ng insidente ay nananatili ang commitment ng Cordillera Police na ibigay ang pinakamagandang serbisyo publiko sa mga mamamayan ng Cordilleras at mananatili silang tapat sa sinumpaan nilang taga-protekta ng mga mamamayan para karapat-dapat pa rin silang tawaging ‘Cordillera’s Finest’.