-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Pinuri ng Regional Inter Agency Task Force Against COVID-19 o RIATF COVID-19 ang ginagawang mga hakbang ng City Government of Kidapawan para mapigilan ang pagkalat pa ng COVID-19.

Dapat umanong pamarisan ng iba pang Local Government Units ng Rehiyon Dose o SOCCSKSARGEN Region ang mga ‘best practices’ na ipinatupad ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa panahon ng pandemya, ayon sa Resolution number 2021-29 ng Regional IATF na ipinasa noong December 9, 2021.

May lagda ito nina Lailyn A. Ortiz, CESO V ARD, DILG 12, Jerome R. Barranco, ARD, OCD 12, Josephine Cabrido-Leysa, CESO III RD, Minda C. Morante, RD 12, Chairperson RTF COVID 19 Reg 12.

Ilan sa mga nakitang best practices ng City Government of Kidapawan sa paglaban sa Covid19 ay ang mga sumusunod: Pagpapatupad ng City Vaccination Plan katuwang ang mga kolehiyo, mga ospital at pribadong pagamutan na ginawang mga vaccination centers, pre-registration ng mga magpapabakuna gamit ang vaccination mobile apps at pagsegurong bukas ang linya ng komunikasyon sa pagitan ng mga Barangay Health Workers na nakatalaga sa registration at mga mamamayan, pagtatatag ng Covid19 Nerve Center na siyang tagapangasiwa ng lahat ng Covid19 action and response pati na ang vaccination roll out, “Libreng Sakay’ at “Hatid Sundo’ ng mga magpapabakuna mula sa barangay patungo sa vaccination hubs kaagapay ang public transport sector, ResBUSkuna o mobile vaccination hub, pagbibigay ng food packs para sa lahat ng magpapabakuna, at pagbibigay ng cash incentives sa mga barangay na makakapagtala ng mataas na vaccination coverage ng kanilang mga residente.