
Tinalakay ng mga matataas na opisyal ng Philippine Coast Guard at Japan Coast Guard ang kasalukuyang regional maritime security situation ngayon ng kanilang mga nasasakupang mga lugar.
Ito ay sa kasagsagan ng isinagawang courtesy visit ni Japan Coast Guard Commandant Admiral Shohei Ishii kay Philippine Coast Guard Commandant, CG Admiral Ronnie Gil L Gavan, sa National Headquarters, Port Area, Manila, ngayong araw, Nobyembre 4, 2023.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Gavan, sa kaniyang naging pakikipagpulong sa kaniyang Japanese counterpart ay nagpaabot ito ng maraming human resource development programs na sumentro rin aniya sa maritime safety and security policy program ng kanilang hanay.
Aniya, ang naging pagbisita na ito ng JCG sa kanilang himpilan ay sumasalamin lamang sa mas pinagtibay na ugnayan at partnership ng mga coast guard ng Pilipinas at Japan para sa pagtataguyod ng mga common interest at iba pang layunin ng dalawang bansa.
Samantala, kasunod nito ay nilibot ni CG Admiral Gavan si Admiral Ishii at ang delegasyon ng JCG sa BRP Teresa Magbanua na isa sa pinakamalaking sasakyang-dagat ng PCG hanggang sa kasalukuyan, na idinisenyo pagkatapos ng mga sasakyang-dagat na klase ng Kunigami ng JCG.