-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Bukas sa kahit na anumang imbestigasyon ang Regional Maritime Unit-13 kaugnay sa pagkbaril-patay sa isang mangingisda sa karagatan ng Brgy. Calibunan sakop ng Cabadbaran City.

Nilinaw ni Lt. Col. Mario Cristino Lucero, officer-in-charge ng Regional Maritime Unit-13 na lehitimo ang operasyong ginawa ng mga tauhan ng PNP Maritime Butuan City/Agusan del Norte nitong nakalipas na Sabado, ang araw na nabaril-patay ang mangingisdang si Ikiel Kintanar.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng opisyal na dokumentado ng kanilang tanggapan ang nasabing operasyon upang matiyak na nagawa nila ang kanilang trabaho na bantayan ang karagatan na sakop ng kanilang area of responsibility laban sa ilegal na pagngingisda.

Dagdag ni Col. Lucero, maliban sa lehitimong operasyon, inaksyunan din ng kanyang mga tauhan ang sumbong ng volunteer group na Butuan City Fisheries Aquatic Resources and Management Council na tumulong sa kanilang law enforcement operations.

Base sa salaysay ng kanyang mga tauhan, tumawag umano sa nasabing tropa na naglunsad ng seaborne patrol ang kanilang lookout nang mamataan ang grupo nina Ikiel Kintanar na nauugnay umano sa ilegal na pangingisda at nang makita ang kanilang tropa ay kaagad umanong niligpit ng mga mangingisda ang kanilang likum.

Pinahinto pa umano sila ngunit tumakas at dahil may nakapagsabi sa kanilang armado umano ang naturang mangingisda kung kaya’t nag-iingat ang kanilang tropa.

Dagdag pa ni Lucero, nakita umano ang isa sa mga mangingisda na parang may pinulot na sinundan ng putok ng armas kung kaya’t pinaputukan ng kanyang mga tauhan ang makinang bahagi ng fishing boat at dito na nakitang bumulagta ang isa sa mga mangingisda.