-- Advertisements --

Pinaghahanda na ngayon ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa ang lahat ng mga public safety battalions ng PNP Special Action Force (SAF) sa buong bansa na maging handa para sa posibleng deployment.

Ayon kay Dela Rosa ito ay kung sakaling kailanganin ang dagdag na pwersa ng mga pulis sa Marawi City na ngayon ay patuloy na nakikipaglabanan sa grupong Maute.

Sinabi ni Dela Rosa, hinihintay na lamang ng public safety personnel ang kanyang go-signal para bumiyahe patungong Marawi City kung saan nagpapatuloy pa rin ang operasyon laban sa teroristang grupo.

Naka-deploy na sa ngayon sa Marawi ang regional public safety battalion ng PNP na mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ang SAF mula sa Regions 10 at 12.

Sa ngayon buhos na ang pwersa ng PNP sa Marawi maging ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Inihayag ni PNP chief na sakaling kulangin pa ang pwersa, kaniyang ide-deploy ang mga naka-standby na mga public safety battalion na mula pa sa ibang rehiyon.