Tinukoy ng Philippine Army na ang grupong Regional Yunit Guerrilla ng New People’s Army (NPA) ang isa sa mga grupong nasa likod ng nilulutong “Red October” plot na naglalayong pabagsakin ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una rito, nagsagawa ng raid ang mga sundalo ng 80th Infantry Battalion (IB), kasama ang mga ahente ng National Bureau of Investigation, noong Martes ng umaga sa sinasabing kuta ng NPA sa Teresa, Rizal kung saan narekober ang mga matataas na kalibre ng armas at mga improvised explosive device (IED) na pagmamay-ari umano ng rebeldeng grupo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay 2ID commander, M/Gen. Rhoderick Parayno, sinabi nito na kailangang isailalim muna sa validation ang mga dokumento ng sa gayon ay mapatunayan ang kanilang involvement sa “Red October” plot.
Sinabi nito na consistent umano ang kanilang report kaugnay sa presensiya ng mga matataas na lider ng NPA, sa pangunguna ni Tirso Alcantara na dating commander ng NPA Regional Yunit Guerrilla, kasama si Armando Lazarte alias Pat/Romano, secretary ng Sub-Regional Military Area 4A ng NPA sa bahagi ng Rizal province kaya pinalakas nila ang kanilang operasyon laban sa mga komunista.
Tumanggi naman si Parayno na idetalye pa ang mga narekober na dokumento na may kinalaman sa “Red October,” pero kanila na raw itong sinusuri.
Naniniwala si Parayno na ang presensiya ng mga top NPA leaders sa Rizal, na malapit sa Maynila, ay isang malakas na “indikasyon” kaugnay sa ouster plot at naghihintay na lamang umano ang mga ito ng magandang pagkakataon para gawin ang kanilang plano.
Siniguro ni Parayno na gagawin ng militar ang lahat para mapigilan ang nasabing banta.
Kinumpirma naman ng opisyal na may maganda na umano silang lead sa kinaroroonan ng grupo ni Alcantara na subject ngayon ng hot pursuit operations.