Natukoy na ng PNP ang mga registered owner ng mga nakumpiskang armas at sasakyan na ginamit ng mga suspek sa pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Inihayag ito ni PNP Spokesperson PCOL Jean Fajardo sa panayam ng Bombo Radyo Philippines matapos lumabas ang resulta ng verification na isinagawa ng PNP-firearms and explosives office sa mga ito.
Aniya, batay sa pagsusuri ng mga otoridad ilan sa mga high-powered firearms na ginamit ng mga suspek sa naturang krimen ay paso na ang lisensya habang ang iba naman ay walang record sa pnp na nangangahulugang hindi ito dumaan sa tamang proseso at posibleng smuggled.
Ito ngayon ang tinututukan ng mga otoridad upang alamin kung paano napasakamay ng mga suspek ang nasabing dekalibreng mga baril at gayundin ang pagkakakilanlan ng mga registered owner ng ilan sa mga ito.
Kaugnay nito ay napag-alaman na rin ng pulisya ang pangalan ng mga registered owner ng mga sasakyang ginamit bilang getaway vehicle ng mga salarin sa naturang krimen at kasalukuyan na rin itong tinututukan ng PNP-highway patrol group ngunit tumanggi muna si COL. Fajardo na ihayag ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Kung maaalala, narekober ng mga otoridad ang umano’y mga getaway vehicle na ginamit ng mga salarin sa ikinasang joint hot pursuit operation matapos nila itong abandonahin sa isang bulubunduking bahagi ng Barangay Kansumalig, Bayawan City.
Matatandaang sa naturang operasyon rin nasawi ang isa sa mga suspek kasabay ng pagkakarekober ng pulisya sa mga high-powered firearms at military gears na pinaniniwalaang ginamit at sinuot ng mga suspek sa pamamaslang kay Degamo.