Target ng Land Transportation Office (LTO) na maiparehistro din ang electric bikes at electric tricycles gayundin magkaroon ng lisensiya ang mga driver ng mga ito.
Ang naturang panukala ay iprinisenta ni LTO chief Vigor Mendoza sa mga stakeholder sa isinagawang public consultation sa kanilang tanggapan ngayong araw.
Sa pagbalangkas ng naturang panukala, isinaalang-alang ni Mendoza ang Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code na nagmamandato sa lahat ng mga sasakyan na bumabaybay sa mga pampubikong kalsada na pinopondohan ng pamahalaan mapa-lokal man o sa national ay dapat na nakarehistro.
Sa naturang konsultasyon naman, tinanong ni 1-Rider Partylist Rep. Bonifacio Bosita kung maaaring singilin ang light electric vehicles ng kalahati ng fee ng regular motorcycle registration, tugon naman ng LTO chief na payag dito ang ahensiya.
Maliban pa sa pagpapatala, sinabi ni Mendoza na ang mga driver na gumagamit ng regular motorcycle ay required na magkaroon ng lisensiya.
Ginawa ang naturang panukala matapos na aprubahan nitong Miyerkules ng Metro Manila Council at MMDA ang isang resolution na nagbabawal sa mga light electric vehicles sa national roads at pagpapataw ng multa na P2,500. Para naman sa mga driver na mahuhuling walang lisensiya, mai-impound ang kanilang sasakyan.