CENTRAL MINDANAO – Nagsimula na ang pagpaparehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) na mas kilala bilang National ID sa Midsayap, Cotabato.
Isasagawa rito ang Step 2 sa pagpaparehistro kung saan kinabibilangan ito ng pag-capture ng biometric information ng registrant, pag-validate ng kanilang supporting documents at issuance ng transaction slip na ipipresinta sa pag-claim ng kanilang identification card.
Nanguna mismo sa aktibidad sina Mayor Romeo Araña at Vice Mayor Manuel Rabara na sinundan ng iba pang opisyales at empleyado ng lokal na pamahalaan o LGU-Midsayap.
Nagpaalala naman si PhilSys Registration Officer II Sally Fe Dato-on sa mga mamamayan na magiging prayoridad rito ang mga nakatapos na ng Step 1 o ang house-to-house data gathering.
Dagdag pa nito na may inilaang schedule sa bawat barangay upang makapagparehistro.
Sinabi din ni Dato-on na walang bayad ang pagpaparehistro at pagkuha ng PhilSys o National ID.
Para sa karagdagang impormasyon, maaari lamang tumawag o mag-text sa PhilSys Hotline No. 0939-571-6181.
Ang naturang aktibidad ay isinasagawa sa municipal plaza ng bayan.