CENTRAL MINDANAO- Dumagsa ang mga nagpaparehistro sa unang araw ng National ID system ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Aleosan, Cotabato.
Isinagawa ang pagpaparehistro sa 2nd Floor ng municipal hall ng bayan ng Aleosan.
Unang nabigyan ng appointment slip sa pagpaparehistro ng national ID ang mga residente ng Barangay Pagangan, Sta. Cruz, Cawilihan, Pentil, Upper Mingading, Malapang at Lower Mingading.
Bawat araw ay 150 lamang na mga indibidwal na may appointment slip ang bibigyan ng priority number upang matiyak na masusunod pa rin ang health protocols kontra COVID-19.
Nagpaalala ang LGU-Aleosan sa mga magpaparehistro na kailangan lamang dalhin ang kanilang mga valid ID o kaya naman ay birth certificate o marriage contract.
Nakatakda namang ianunsyo ang skedyul ng iba pang barangay sa bayan ng Aleosan na susunod na magpaparehistro para sa national ID.