-- Advertisements --

Nakatakdang simulan sa mga susunod na araw ang registration para sa pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga kabataan edad 12 hanggang 17 anyos sa bayan ng Pateros.

Ayon kay Pateros Mayor Miguel Ponce III na posibleng simulan ito sa oras na magkaroon na ng suplay ng Moderna o Pfizer vaccine na ilalaan para sa pagbabakuna ng mga younger population.

Magkakaroon aniya ng bagong QR code para sa registration na gagamitin para lamang sa mga residenteng kabataan na pasok sa naturang age group.

Kapag nakapagparehistro na ang mga ito ay mayroon silang matatanggap na text message para sa schedule ng kanilang vaccination.

Kaugnay nito, kailangan ng consent mula sa mga magulang na nagbibigay ng permiso sa kanilang anak na mabakunahan at kailangang samahan ng mga magulang ang kanilang anak patungo sa mga vaccination centers.

Samantala, naabot na ng lokal na pamahalaan ng Pateros ang kanilang 70% eligible target population na fully vaccinated bago matapos ang buwan ng Agosto ta tinaasan pa sa 80% o 56,000 ng kabuuang 70,000 populasyon ng Pateros ang target na mabakunahan kontra COVID-19.