NAGA CITY – Isang Regional Political Movement sa Bicol ang nakatakdang buuin sa rehiyon na susuporta sakaling magpasya si Vice President Leni Robredo na tumakbo sa Presidential election sa 2022.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Ricky Tomotorgo, presidente ng Bunyog Bicol, sinabi nitong bagama’t malayo pa ang naturang halalan ngunit ngayon pa lamang ay papalakaksin na nila ang grupo para suportahan si Vice President Robredo.
Ayon kay Tomotorgo, mula sa isang maliit na grupo ay plano nilang mas palakasin pa ito bilang isang regional political movement.
Una rito, sa hiwalay na panayam kay Robredo ay sinabi nitong posible ang kanyang pagtakbo sa presidential election ngunit hindi pa ito bahagi ng mga kasalukuyang prayoridad niya.
Ayon sa bise presidente, ang mga problema at isyung kinakaharap ng bansa ang mas nangangailangan ng paghahanda.
Kung sakali aniya na bumuti na ang kalagayan ng bansa sa mga susunod na taon, baka maging posible na raw ang mga paghikayat sa kanya na kumandidatong pangulo ng Pilipinas.