Tiniyak ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na mas paiigtingin pa ng kanilang hanay ang pagsasagawa ng regular inspection at maintenance sa lahat ng mga sasakyang panghimpapawid ng Hukbong Sandatahan.
Ito ang siniguro ni Gen. Brawner kasunod ng kaniyang personal na pagbisita sa mga naulilang pamilya ng dalawang piloto na miyembro ng Philippine Navy na nasawi sa nangyaring helicopter crash sa Cavite City kamakailan lang.
Layunin aniya nito na tiyakin ang airworthiness ng lahat ng mga aircraft ng AFP upang masigurong hindi na muling mauulit pang ganitong uri ng malagim na trahedya.
Kasabay nito ay personal din na nagpaabot ng pakikiramay at pakikidalamhati si AFP Chief Brawner sa naiwang pamilya ng mga biktima.
Gayundin ang pagtiyak na ipapaabot ng buong organisasyon ang buong tulong at suporta sa lahat ng kanilang mga pangangailangan.
Kung maaalala, una nang sinabi ni AFP spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla sa panayam ng Bombo Radyo Philippines na nasa kasagsagan ng training ang dalawang piloto na kinilalang Sina LT. Jan Kyle Borres, at Sign Izzah Taccad nang bumagsak ang kanilang sinasakyang R22 training helicopter.
Dahil dito ay kasalukuyang grounded ngayon ang iba pang kaparehong sasakyang panghimpapawid na nasangkot sa aksidente habang nagpapatuloy ang ginagawang mas malalimang imbestigasyon ng mga kinauukulan ukol dito upang alamin ang sanhi sa nangyaring insidente.