NAGA CITY – Itinuturing na wake-up call para sa mga opisyal ng simbahan ang magkakasunod na lindol na naitala sa Pilipinas at ang nangyaring pagpapasabog sa Sri Lanka.
Sa pastoral letter ni Archbishop Rolando Tria Tirona ng Archdiocese of Caceres, nagpaabot ito ng panalangin sa mga biktima ng nasabing kalamidad at trahedya.
Ang naitala aniyang pagpapasabog sa Sri Lanka ay isang wake-up call sa mga pari at pastor upang maging alerto at mapagmatyag para matiyak ang kaligtasan ng mga mananampalataya lalo na tuwing may mga malalaking religious occasion.
Sa naganap naman na pagyanig sa bansa, nanawagan ang arsobispo sa mga pari na ugaliing inspeksyunin ang mga simbahan upang matiyak ang pundasyon nito gayundin ang mga seminaryo at mga kumbento.
Ayon kay Tirona, kailangang matiyak ang kaligtasan ng mga nagsisimba at maging pro-active sa pagbibigay seguridad sa mga simbahan gayundin sa paninidigan sa paglaban sa mga karahasan at mga natural na kalamidad.
Plano ngayon ng simbahan na makipag-ugnayan sa mga professional groups, structural engineers at security experts, upang matiyak na ligtas ang mga istruktura at mapangalagaan ang cultural heritage tulad ng mga simbahan.