ILOILO CITY – Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) na kanilang babantayan ng maigi ang mga baybayin na sakop ng Pilipinas lalo na ang West Philippine Sea.
Ito ay kasunod ng pagkakabangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay PCG commandant Admiral Elson Hermogino, sinabi nito na sa pamamagitan ng regular na pagpapatrolya sa pinag-aagawang isla, maiiwasan na maulit pa ang Recto Bank incident.
Ayon kay Hermogino, ganito rin ang kanilang ginagawa sa ibang mga baybayin sa ibang bahagi ng bansa upang maiwasan ang pagmamalabis ng international sea vessel.
Tiniyak naman ni Hermogino na kanilang poprotektahan ang dagat na sakop ng Pilipinas sa abot ng kanilang makakaya at hindi hahayaan na magsiga-sigaan ang ibang bansa na umaangkin sa teritoryo ng bansa.