Iginiit ng mga mambabatas ang pangangailangan na balansehin ang regulasyon sa mga social media content upang hindi maapakan ang karapatan sa malayang pagpapahayag.
Ito ang sinabi ng mga mambabatas bilang tugon sa tanong kaugnay ng hiling ng Kapisanan ng Social Media Broadcaster ng Pilipinas sa Kongreso na i-regulate ang social media content upang mapigilan ang pagkalat ng fake news.
Sa halip na i-regulate, iminungkahi ni Acidre na maglagay na lamang ng mga safeguard upang mapigilan ang pagkalat ng mga maling impormasyon gaya ng pagkakaroon ng verification process upang matiyak ang pagkakakilanlan ng nag-post.
Sinabi ni Acidre na kailangan ding mamuhunan ng gobyerno sa digital citizenship upang maipaalam sa mga user ang responsableng paggamit ng social media.
Tinitimbang din ni Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Miguel Almario ang pangangailangan na i-regulate ang social media content at nagbabala sa posibleng paglabag sa freedom of information at speech kung gagawin ito.
Iginiit naman ni Almario ang kahalagahan ng pagberepika sa mga impormasyon lalo at dumarami ang mga fakes news at deep fakes.
Sinabi ng kongresista na maaaring gawing modelo ang SIM Card Registration Act sa paggawa ng regulasyon upang matukoy kung sino ang nagpapakalat ng maling impormasyon.
Para naman kay Lanao del Norte 2nd District Rep. Mohamad Khalid Dimaporo dapat ay mabalanse ang karapatan ng malayang pamamahayag at ang kaligtasan ng publiko.
Sinabi ni Dimaporo na mayroong panganib sa publiko ang pagkalat ng maling impormasyon.
Maaari umanong gamitin ang social media upang magtanim ng takot sa pubiko.
Kamakailan ay nanawagan ang Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas Inc. (KSMBPI) sa Kongreso na magpasa ng batas upang ma-regulate ang social media content.
Habang wala pang batas, hiniling ng KSMBPI kay Executive Secretary Lucas Bersamin na maglabas ng executive order na bubuo sa isang “national social media regulatory board.