Siniguro ni Philippine Sports Commission chairman William “Butch” Ramirez na matatapos sa takdang oras ang rehabilitasyon sa ilang mga government sports facilities na gagamitin sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Tugon ito ni Ramirez sa inihayag na pagkabahala ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) ukol sa pagsasaayos ng Rizal Memorial Coliseum at Ninoy Aquino Stadium sa Manila at ang Phislports Arena sa Pasig kung saan gaganapin ang ilan sa malalaking mga sports.
Dahil dito, isiniwalat ni Phisgoc executive director Tom Carrasco na sinimulan na raw nila ang paghahanap sa mga alternatibong venues.
Ayon kay Ramirez na siya ring chef-de-mission ng Team Philippines, siniguro raw sa kanya ng dalawa sa mga contractors na pagsapit ng Nobyembre 15 hanggang 20 ay tapos na raw ang proyekto.
Paliwanag pa ng sports official, nakatuon ang mga renovations hindi lamang para sa hosting ng SEA Games kundi pati na rin sa mga kompetisyon sa hinaharap.
Inihayag din ni Ramirez na nagbigay din aniya ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng halos P850-milyon para sa pagsasaayos ng mga PSC venues.