Target matapos ang rehabilitasyon sa buwan ng Setyembre para sa paliparan sa Basa Air Base sa Pampanga, isa sa mga site na itinalaga para sa Enhanced Cooperation Defense Agreement (EDCA) sa pagitan ng dalawang bansa.
Kaugnay nito, nagsagawa ng groundbreaking sina Defense Department Officer in Charge Senior Undersecretary Carlito Galvez, Jr. kasama sina US Secretary of the Air Force Frank Kendall at US Ambassador to the Philippines MaryKay Loss Carlson para sa $24-million airstrip extension at rehabilitation project sa air base sa Floridablanca, Pampanga.
Ayon kay Galvez, magaambag ang mga pasilidad na ito sa pagsisikap na matiyak ang soberanya at integridad ng ating bansa partikular na sa ating maritime domain at para sa mahusay na pagsasagawa ng joint task force exercises.
Ang EDCA kasama ang Visiting Forces Agreement ay nagpapatakbo ng 1951 Philippines-US Mutual Defense Treaty (MDT).
Pinahihintulutan nito ang mga tropa ng US na ma-access ang mga itinalagang pasilidad ng militar ng Pilipinas gayundin ang karapatang magtayo ng mga pasilidad at kagamitan, sasakyang panghimpapawid at sasakyang-pandagat ngunit ipinagbabawal ang permanenteng bases.
Ito ay nilagdaan noong 2014 ngunit naantala ang pagpapatupad nito dahil sa iba’t ibang dahilan.
Kasalukuyang mayroong limang lugar na napagkasunduan noon para sa proyekto ng EDCA, kabilang ang Basa Air Base. Noong nakaraang buwan, nagkasundo ang Pilipinas at US na magtalaga ng apat pang lugar sa mga estratehikong lugar ng bansa na may layuning mapabilis ang ganap na pagpapatupad ng kasunduan.