CENTRAL MINDANAO – Nagsagawa nang pagtitipon-tipon ang lokal na pamahalaan ng Pikit, Cotabato kasama ang iba’t ibang mga ahensiya at departamento sa bayan upang makabuo ng rehabilitation plan para sa mga pamilyang naapektuhan ng labanan ng mga armadong grupo.
Dinaluhan ito ng mga kawani ng LGU-Pikit, Sangguniang Bayan, Bangsamoro Autunomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), DSWD XII Disaster Team, PNP, BFP, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC).
Matapos ang naturang pagpupulong, naatasan ang PNP at BFP sa pangangasiwa ng mga kakailanganin sa panahon ng rehabilitasyon habang ang MSWDO at MDRRMC ang gagawa ng aksyon sa mga hinaing ng mga apektadong pamilya.
Sa tala ng MSWDO-Pikit, nasa 194 ang nasunog o nawasak ng tuluyan dahil sa digmaan, 71 ang partially damaged habang 11 naman ang slightly damaged.
Samantala, nagpasalamat naman ang LGU-Pikit sa kooperasyon at koordinasyon ng mga naging katuwang nito sa pagbuo ng naturang plano.