-- Advertisements --
V10
IMAGE | Health Usec. Maria Rosario Vergeire/Screengrab, DOH

MANILA – Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko tungkol sa paggamit ng naka-rehistro ng anti-parasitic drug na ivermectin.

Kasunod ito ng paggawad ng Food and Drug Administration (FDA) ng certificate of product registration (CPR) sa ivermectin product na gawa ng Lloyd Laboratories.

“Kailangan yan ng prescription na ivermectin na gagamitin. Kung bibili dapat sinabi ng doktor na kailangan, there is a prescription that will be required,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Una nang sinabi ng FDA na ang ni-rehistrong ivermectin product ay bilang “anti-nematode drug” o pampurga sa mga parasitic roundworms, at hindi bilang gamot sa COVID-19.

Gayunpaman, sinabi ni Vergeire na pwedeng gamitin bilang “off labeled drug” o gamot sa ibang sakit ang ivermectin basta’t ni-reseta ng lisensyadong doktor.

“Kapag ginamit yan as an off labeled drug, a doctor has to prescribe this para magamit base on the indication na iniisip ng doktor.”

“Ibig sabihin, the doctor are accountable for their patients if they allow the use or prescribe it.”

Responsibilidad din daw ng mga doktor na magre-reseta ang monitoring sa pasyenteng reresetahan ng off labeled drug.

Ayon kay Vergeire, may tungkulin ang kompanyang ginawaran ng CPR na gumawa ng post-marketing surveillance, kung saan inaasahan silang magsumite ng report sa FDA.

“Ang DOH kahit off label ang gamit, gumagawa rin kami ng surveillance.”

Patuloy na pinag-aaralan ng mga dalubhasa ang bisa ng ivermectin laban sa COVID-19. Pero sa ngayon, iginiit ng World Health Organization na wala pang matibay na basehan para masabing ligtas at epektibo itong panlaban sa coronavirus.