LAOAG CITY – Naka-red alert na ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council dahil sa pananalasa ng bagyong Nika.
Ito ang ipinaalam ni Adreanne Pagsolingan, tagapagsalita ng Office of the Civil Defense (OCD) Region I kasabay ng kanilang tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa ibat ibang lugar sa rehiyon para sa mas mabilis na pagtugon.
Ayon kay Pagsolingan, umabot na sa 60 na pamilya ang apektado matapos lumikas mula rito sa lalawigan ng Ilocos Norte at Ilocos Sur.
Dagdag pa nito na passable naman ang mga national roads maliban nalang sa National Highway ng Sitio Banquero, Brgy. Pancian sa bayan ng Pagudpud na temporaryong isinara kagabi kabilang na ang ilang local roads sa nasabing mga probinsiya.
Samantala, umaasa ang Office of Civil Defense Region 1 na hindi tulad ng bagyong Marce ang magiging epekto ng bagyong Nika kung saan umabot sa mahigit labin-dalawang libo na pamilya ang naapektuhan.
Hinggil dito, umabot na sa 35 na pamilya ang inilikas sa bayan ng San Nicolas at Lungsod ng Laoag dito sa lalawigan ng Ilocos Norte dahil pa rin sa hagupit ng bagyong Nika.