-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Idineklara na ngayon ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC)-12 ang red alert status sa buong rehiyon kasunod ng mga naitalang malalakas na pagyanig na nag-iwan ng maraming casualties.

Ito ang inihayag ni Office of the Civil Defense (OCD)-12 Assistant Regional Director Jerome Barranco.

Ayon kay Barranco, ang nasabing deklarasyon ay kasunod ng mga nararamdamang mga aftershocks sa buong SOCCSKSARGEN.

Kaugnay nito, naka-activate na ang lahat ng mga incident command system sa provincial,city at municipal levels.

Nakaantabay pa rin sa ngayon ang emergency response personnel at search rescue team ng 54 na local government units sa rehiyon.

Samantala, randam din sa ngayon sa buong rehiyon ang “bayanihan system” matapos ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya, opisyal, pribadong kompanya, sikat na personalidad at maging ang mga ordinaryong mamamayan sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng mga bakwit.

Ayon kay North Cotabato 2nd District Board Member Onofre Respecio, nagpapasalamat ito sa lahat ng mga tumutulong sa kanilang probinsya matapos ang naitalang malalakas na lindol kung saan marami ang namatay, nasugatan at nawalan ng tahanan at trabaho.

Ipinahayag din nito na sa tulong na kanilang natatanggap, nababawasan umano ang hirap at trauma ng mga residente.

Sa kabila nito, panawagan pa rin umano sa ngayon ng mga survivors ang dagdag na suplay ng pagkain, tubig, temporary shelter materials at shelter kits kagaya ng tents dahil posibleng abutin pa ng ilang buwan ang kanilang pananatili sa mga evacuation centers sa North Cotabato.