Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman na muling ibalik sa kanilang mga posisyon ang 72 warehouse supervisors ng National Food Authority na pawang mga nasuspindi noong Marso.
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, at Special Prosecutor Edilberto Sandoval, maaaring ipagpatuloy ng mga ito ang kanilang panunungkulan sa naturang ahensya matapos na lumabas sa kanilang imbestigasyon na walang sapat na ground na nagtuturo laban sa kanila kaugnay sa anomalyang bumabalot sa NFA.
Ito anila ang dahilan kung bakit hindi na kailangan pang isailalim sa preventive suspension order ang 72 sa warehouse supervisors.
Kung maaalala, ang mga ito ay kabilang sa 139 na mga opisyal at empleyado ng NFA na isinailalim sa anim na buwang preventive suspension noong Marso 1, 2024 nang dahil sa ikinasang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa maanomalyang pagbebenta umano ng rice buffer stock ng ahensya sa piling mga traders na tinatayang may katumbas na halaga na aabot sa PHP93.7 million.