-- Advertisements --

Naniniwala si Senate President Vicente Sotto III na hinarang si dating Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario sa Hong Kong kamakailan dahil sa reklamo nito sa International Criminal Court (ICC) laban kay Chinese President Xi Jinping.

Sa isang panayam, iginiit ni Sotto na hindi na kailanga pang mag-isip ng iba pang dahilan kung bakit tinanggihan si Del Rosario na makapasok sa Hong Kong kundi dahil lamang sa “inaaway” nito si Xi.

Magugunita na naghain ng reklamo sina Del Rosario at dating Ombudsman Conchita Carpio Morales laban kay Xi sa ICC dahil sa umano’y crimes against humanity ng Beijing sa South China Sea.

Nabatid na ang dating Foreign Secretary, na may hawak na diplomatic passport, ay dadalo sana sa isang business meetings noong Biyernes sa Hong Kong, pero hinarang siya sa loob ng anim na oras sa airport bago tuluyang pinagbawalan na makapasok sa bansa.

Binigyan diin ni Del Rosario na ang pagharang sa kanya sa airport kahit diplomatic passport ang kanyang gamit ay isang paglabag sa Vienna Convention on Diplomatic Relations.

Pero para kay Sotto, bagamat may hawak na diplomatic passport si Del Rosario, hindi naman official mission ang ipinunta nito sa Hong Kong.

“Pagpalagay na natin na qualified ‘yung pagkakabigay dahil puwedeng pumasok doon sa pinayagan ng Presidente or ng Secretary of Foreign Affairs. Pero on official mission ka ba? Bakit mo gamit ‘yun kung hindi ka on official mission?” saad ni Sotto.