Pumalo na raw sa 60 ang mga reklamong natanggpa ng task force na binuo ng Department of Justice (DoJ) na nag-iimbestiga sa korapsiyon sa pamahalaan.
Ayon kay DoJ Usec. at Spokesperson Emmeline Aglipay-Villar, ngayong linggo lang nang makaranas ang DoJ anti-corruption task force nang biglaang pagbuhos ng mga reklamo.
Aniya, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang karamihan sa mga sangkot sa iregularidad lalo na sa mga construction projects sa labas ng Metro Manila.
Sa ngayon, patuloy na raw na ikino-consolidate ng operations center secretariat ng task force ang mga reklamo.
Una na rito sinabi ni Aglipay-Villar ang asawa ni DPWH Sec. Mark Villar na hindi ito sasali sa ano mang imbestigasyon ng task force lalo na kapag isasangkot ang kanyang asawa.
Noong Lunes lamang nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nasa 20 reklamo na ang naihain sa task force at karamihan dito ay nasa DPWH.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, hinimok ni Guevarra ang publiko na maghain ng reklamo laban sa mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa katiwalian.