BAGUIO CITY – Ipinasa na ng Campaign Finance Office ng Commission on Elections (Comelec)-Cordilleraang mga reklamong natanggap nito ukol sa umano ay paggamit ng mga pulitiko sa lalawigan ng Abra sa pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pangangampanya ng mga ito.
Ayon kay Comelec-Cordillera Regional Election Director Maria Juana Valeza, ang emergency cash assistance ay disbursement ng pondo na bawal ngayong election period.
Aniya, kailangang maihain ang reklamo o anumang concern sa en banc ng Comelec para maisailalim ito sa tamang proseso ng imbestigasyon.
Siniguro pa nito na lahat ng reklamong matatanggap ng kanyang opisina ay ipapadala niya sa Campaign Finance Office ng komisyon sa Manila.
Una rito, sinabi sa Bombo Radyo ni Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Cordillera regional director Janet Armas na welcome sa kanila ang plano ng senado na imbestigahan ang alegasyon na paggamit ng mga pulitiko sa 4Ps sa pangangampanya ng mga ito.
Iniutos na niya aniya ang pagmonitor ng mga empleyado ng DSWD sa rehiyon sa nasabing alegasyon.
Dinagdag ni Armas na wala pa silang narinig o namonitor na kampanya ng mga kandidato na partikular na bumanggit sa 4Ps.
Gayunman, iniapela nito ang hindi paggamit ng mga pulitiko sa nasabing programa ng pamahalaan para sa mga mahihirap na mga Pilipino.