-- Advertisements --

VIGAN CITY – Ibinasura na ng korte ang kasong acts of lasciviousness na may kaugnayan sa Republic Act 7610 na isinampa laban sa isang elementary school teacher mula sa Cebu City.

Ang kaso ay may kaugnayan sa di umano’y pagyakap ng suspek at tangkang paghalik sa leeg ng isang 14-anyos na lalaking dancesports athlete mula sa Olongapo City National High School na kalahok sa Palarong Pambansa na ginanap sa Ilocos Sur noong buwan ng Abril noong nakaraang taon.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan sa Chief Investigator ng Caoayan municipal police station na si SPO3 Joey Callejo, hindi umano sumipot sa pagdinig ng kaso ang biktma at ang pamilya nito kaya nagdesisyon ang korte na ibasura na lamag ang kasong kinakaharap ng akusado na si Rodymar Lelis, 28- anyos, binata at nagtuturo noon sa Zapatera Elementary School, Cebu City.

Maaalalang naganap ang naturang pangyayari noong gabi ng April 17 sa NSCC plaza sa Don Alejandro Quirolgico, Caoayan kung saan ang biktima ay lumabas para umihi, kasama ang kapuwa nito dancesports athlete.

Habang nasa comfort room umano ang dalawa, pumasok ang suspek at agad na niyakap ang 14-anyos na atleta, kasabay ng tangka nitong paghalik sa leeg ng menor de edad at pagtanong kung magkano ang bayad nito, ngunit nagpumiglas ang menor de edad at kaagad na nagpasaklolo sa kanilang coach kung kaya’t nahuli ang suspek.

Maliban sa naibasura na ang kaso nito, naibalik din sa nasabing guro ang perang ginamit nitong piyansa na nagkakahalaga sa P80,000.

XXXXXX