Nakatakdang maghain ang Quezon City Police District (QCPD) sa Office of the Prosecutor ng reklamong alarm and scandal laban sa retiradong pulis na nahuli-cam na nanghampas ng ulo at nagkasa ng baril sa isang siklista.
Ayon kay QCPD chief Police Brigadier General Nicolas Torre III, apat na police officers ang magsisilbing complainants sa kaso.
Inihayag din ng police official na ang video ng insidente na kumalat online ay gagamitin bilang ebidensiya.
Ipinaliwanag din ni Torre na naantala ang paghahain ng reklamo bagamat nangyari pa ito noong Agosto 8 dahil kumalat lamang ang video online noong Agosto 27.
Itinanggi din ng police official na tumulong ang kapulisan sa umano’y areglo sa pagitan ng siklista at retiradong pulis na kinilalang si Wilfredo Gonzales at sinabing ang kumilos ng propesyunal ang kaniyang tauhan sa naturang kaso.
Una ng sinabi ng retiradong pulis na si Gonzales na nagkaayos na sila ng siklista sa police station kasunod ng insidente.
Subalit ayon sa abogado ng siklista na si Atty. Raymond Fortun, pinilit umano ang siklista sa isang kasunduan na amining kasalanan nito ang nangyari at sinabihan pa umano na magbayad ng P500 para sa pinsala sa sasakyan ni Gonzales na kalaunan ay nabulgar na hindi pala nito pagmamay-ari.
Nanawagan naman ang police official sa siklista na lumantad at makipagtulungan sa kapulisan para maresolba ang kaso.