-- Advertisements --

Sinampahan ng Quezon City Police District (QCPD) ng reklamong inciting to sedition ang isang pulis na nag-viral online dahil sa kaniyang partisan remarks matapos ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nilabag umano ng pulis na si Patrolman Francis Steve Tallion Fontillas ang Article 142 ng Revised Penal Code in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012.

Sa nauna kasing mga video post ni Fontillas, kaniyang kinuwestyon ang pagbabawal sa kanilang mga pulis na magpost, mag-share at magkomento kaugnay sa naging pag-aresto kamakailan sa dating Pangulo. Binanatan din niya ang mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) partikular na si General Nicolas Torre III at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa Philippine National Police, nadestino si Fontillas sa District Personnel and Holding Admin Section simula noong Pebrero 20, 2025 subalit ito ay nag-AWOL o absent without official leave simula noong Marso 6.

Sa kaniya namang ibinahaging post sa FB, kinuwestiyon ni Patrolman Fontillas ang reklamong inihain laban sa kaniya at iginiit na ipinapahayag lamang niya ang kaniyang paninindigan at mga prinsipyo.

Nilinaw din niya ang akusasyon na nag-AWOL ito sa pamamagitan ng pag-post sa kopiya ng kaniyang application para sa 10 araw na leave mula March 6 hanggang 9 na kaniyang isinumite noong Marso 5. Inaprubahan naman aniya ito at pinirmahan ng kanilang chief administrator. Sinabi din ng police officer na present noon ang kaniyang maybahay nang isumite niya ang kaniyang application para sa leave.

Samantala, nagpaalala naman ang QCPD sa mga personnel nito na dapat manatiling apolitical at non-partisan sa lahat ng pagkakataon at dapat na iwasang mag-post ng mga hindi awtorisado at biased contents sa social media at iba pang communication platforms.

Nangako naman ang PNP na kanilang itutuloy ang kaso ni Fontillas nang may buong pananagutan at due process at ipapatupad ang commitment nito para sa pagsisilbi nang may integridad at walang kinikilingan.