-- Advertisements --

Umaasa ang kampo ni Tony Labrusca na malilinis ang pangalan ng Fil-Am actor kaugnay sa kinakaharap na reklamong pangmomolestya umano sa babae.

Ito’y bagama’t nakatakda pang maglabas ng pormal na kasagutan ang legal counsel na si Atty. Joji Alonso, dahil wala pa raw sa kanila ang kopya ng complaint-affidavit na isinampa sa kanyang bagong celebrity client.

Nitong Biyernes nang dalawang complainant ang nagtungo sa Makati Prosecutor’s Office para magsampa ng acts of lasciviousness at aggravated slight physical injuries laban sa 25-year-old actor.

Tony Labrusca case 3

Isa sa mga nagreklamo ang hindi na pinangalanang babae, at ang isa ay si Dennis Ibay na kapatid ng negosyante at jeweller na si Drake Dustin Ibay.

Nabatid na nangyari ang insidente nito pang Enero na sinasabing sa bahay ng mga Ibay.

Sa panig ng mga complainant sa pamamagitan ni Atty. Regie Tongol, dalawang beses daw gumawa ng lewd acts o kalaswaan si Labrusca kung saan bukod sa pagtanggal sa strap ng damit na pantaas ng babae, hinatak pa raw nito sa baywang ang babae para ikandong sa kanya.

Ugat naman ng kasong aggravated slight physical injury ay ang diumano’y pagsakal ni Tony kay Dennis nang tulungan nito ang lasing na raw na aktor pababa sa hagdan.

Kung maaalala, naging kontrobersyal din si Labrusca noong 2019 matapos mapaulat ang pagmumura at paninigaw umano niya sa Immigration officers sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport.

Naging laman din siya ng ilang “blind items” kung saan usap-usapan ang pagkakaron nito ng boyfriend at na-link pa noon sa kapwa aktor na si Alex Diaz.

Si Tony ay anak ng artista ring si Boom Labrusca sa modelo at dating karelasyong si Angel Jones.