Naghain ng vote-buying complaint ang isang anti-corruption group sa Commission on Elections (Comelec) laban sa isang tumatakbong kongresista at 2 kandidato sa pagka-konsehal sa Quezon city.
Sa isang press conference, tinukoy ng grupong Quezon City Against Corruption (QCAC) sina dating 4th District Rep. Bong Suntay at city councilor candidates Migs Suntay at Kiko Del Mundo na nakagawa umano ng election offense sa pamamagitan ng “networking scheme” na tinatawag na “Ako at Walo.”
Sa kopiya ng reklamo mula sa grupo na ibinahagi sa media, sinabi ng grupo na kabilang sa naturang scheme ang pagrecruit ng 4 na household leaders at 8 katao na magre-recruit din ng 8 iba pang indibidwal kapalit ng P1,000 at pinangakuan din sila ng ayuda kung mananalo ang nasabing mga kandidato.
Inihayag din ng grupo na minamandato ang mga na-recruit na indibidwal na iboto ang 3 kandidato.
Bilang patunay, iprinisenta ng grupo ang isang testigo na tinukoy sa kaniyang alias na Angel, na miyembro ng Suntay team.
Nakasaad sa reklamo ng grupo na nakita ni Angel na binigyan ng green stub o voucher ang household leaders kung saan nakalagay ang mga pangalan at mukha ng 3 kandidato saka sinabi sa kanila ang mechanics ng scheme.
Personal din aniyang dumalo sa event ang 3 kandidato kung saan pinalagda ng pledge of commitment ang attendees saka ibinigay ang stubs sa miyembro ng campaign staff kapalit ng P1000 na ibinigay sa bawat dumalo.
Nasundan pa ito ng ikatlong event noong Abril 2 kung saan tinawag ang programa na talakayan. Binigyan ulit sila ng pera na P500 bawat isa na taliwas sa unang ipinangakong P1,000.
Nang tanungin kung bakit pinili nilang magsampa ng reklamo ngayon sa kabila ng pagdalo nila sa naunang event, sinabi ni Angel na hindi na niya kayang sikmurain pa ang sitwasyon at iginiit niyang hindi kailangang bilhin ang karangalan o boto.