BACOLOD CITY – Pinirmahan na ng Regional Joint Security Control Center ang resolusyon na nagrerekomenda sa Comelec en banc upang isailalim sa Comelec control ang bayan ng Moises Padilla sa lalawigan ng Negros Occidental.
Ito ay kasunod sa serye ng patayan sa probinsya kung saan tatlong konsehal na ang nasawi.
Sa ginawang emergency meeting kahapon sa satellite office ng PRO-6 sa Camp Montelibano sa lungsod ng Bacolod, pinirmahan ng mga representante ng Comelec, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ang nasabing resolusyon upang isailalim ang nasabing bayan sa Comelec control sa buong election period.
Nabatid na ang bayan ng Moises Padilla ang nasa category red na dahil sa nangyaring pag-ambush sa convoy ni Vice Mayor Ella Garcia-Yulo kung saan namatay ang kanyang kapatid at pamangkin na sina dating punong barangay Mark Garcia at Councilor Michael Garcia noong Huwebes ng tanghali.