-- Advertisements --

Posible umanong sa susunod na linggo na ilalabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang rekomendasyon kaugnay sa pagpapalawig ng Martial Law sa isla ng Mindanao.

Ayon kay AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez, bago matapos ang buwan ng Nobyembre, isusumite na nila ito kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero ayon kay Galvez, bago pa man daw ito isumite, kailangan daw munang magpulong ang militar at Philippine National Police (PNP) nang sa gayon ay ma-consolidate ang kanilang ginawang mga assessment.

Giit ng opisyal, wala pang desisyon ang militar ukol sa pagpapalawig pa sa umiiral na batas militar sa rehiyon.

Nasa proseso pa raw sila ngayon sa pag-collate ng mga data na kanilang nakuha mula sa iba’t ibang stakeholders at kailangan din nilang gumawa ng consultative report kasama ang PNP.

Una nang sinabi ni Galvez na nagsagawa sila ng konsultasyon sa Eastern Mindanao Command at Western Mindanao Command kaugnay sa nasabing paksa.

Samantala, ipinagmalaki naman ng AFP ang mga accomplishments na kanilang naabot sa ilalim ng Martial Law, gaya ng pagsuko sa mga loose firearms na umabot sa 5,638; at pagbalik sa panig ng gobyerno ng 11,333 kasapi ng New People’s Army (NPA).

Lumago rin umano ang ekonomiya sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na nagtala ng 7.3 percent gross regional domestic product, maging ng pagkakaroon ng “significant increase” sa sa turismo sa probinsiya ng Tawi-Tawi.