-- Advertisements --

Magpupulong sa darating na Setyembre 27, araw ng Linggo ang mga alkalde sa Metro Manila upang pag-usapan ang magiging rekomendasyon kaugnay sa lockdown status ng National Capital Region.

Nakatakda na kasing mapaso sa Setyembre 30 ang general community quarantine (GCQ) status ng Kalakhang Maynila.

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na chairman din ng Metro Manila Council, tatalakayin nila kung papanatilihin ang GCQ o ibaba pa ang NCR sa mas maluwag na modified GCQ pagsapit ng Oktubre 1.

Magiging isa aniya sa mga basehan ng kanilang proposal ang datos na ipepresinta ng Department of Health.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Olivarez na sumusunod ang mga siyudad at bayan sa NCR sa guidelines ng IATF tungkol sa granular lockdown at home quarantine, kung saan ilalagay sa isang isolation facility ang pasyenteng may virus at ila-lockdown naman ang bahay nito.

Una nang sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na pabor ito sa pagsasailalim sa Metro Manila sa MGCQ para mapayagang magbukas ang mas marami pang mga negosyo.