Walang tumutol sa pagpapa-subpoena sa mga rekord kung papaano ginastos ni Vice President Sara Duterte ang confidential fund nito sa ilalim ng Office of the Vice President at sa dati nitong pinamumunuang Department of Education (DepEd).
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Martes, ipinaliwanag ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba na hindi maaaring basta na lamang ilabas ng ahensya ang impormasyon kaugnay ng confidential fund.
Kung walang subpoena, sinabi ni Cordoba na ang tanging maibibigay umano ng COA ay ang accomplishment record kaugnay ng paggamit ng confidential funds.
Ayon pa kay Cordoba na kada quarter ay nagsusumite ang mga ahensya na mayroong confidential fund ng accomplishment reports sa Office of the Speaker, Office of the Senate President, at Office of the President.
Upang makakuha ng kopya, nag-mosyon si ACT Teachers Rep. France Castro na ipa-subpoena ang rekord ng confidential fund ng OVP noong 2022 at 2023.
Sumegunda naman si Gabriela Rep. Arlene Brosas sa mosyong ito.
Ipinasama naman ni Kabataan Rep. Raoul Manuel ang rekord ng confidential funds ng DepEd.
Walang tumutol sa mga mosyon kaya inaprubahan ito ni House Committee on Appropriations senior Vice chairperson Stella Luz Quimbo na siyang presiding officer ng pagdinig.