-- Advertisements --

Kumpiyansa si House Minority Leader Danilo Suarez na magiging matiwasay ang relasyon ng Kamara at ng ehekutibo sinuman ang mananalo sa umiinit na Speakership race sa Mababang Kapulungan.

Pahayag ito ni Suarez matapos na sabihin naman nina Pangulong Rodrigo Duterte at maging ni Presidential Daughter Mayor Sara Duterte, na magiging “neutral” sila sa mga naglalaban sa pagiging lider ng Kamara sa 18th Congres.

Naniniwala si Suarez na sinuman ang hihirangin na susunod na Speaker kina Leyte Representative-elect Ferdinand Martin Romualdez, Taguig Representative-elect Alan Peter Cayetano, at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ay makakatrabaho ng ehekutibo ng maayos.

Committed naman aniya kasi ang tatlo sa pagsusulong ng mga pangunahing proyekto ni Pangulong Duterte kaya nakikita niyang magiging komportable naman ang Punong Ehekutibo na makatrabaho ang sinumang mananalo sa tatlo.