Walang malaking pagbabago sa relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sakali man na muling manalo sa pagkapangulo si dating US Pres. Donald Trump.
Ito ang inihayag ni PH Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez sa isang press conference sa Washington, DC.
Kumpiyansa din ang envoy na mananatiling hindi apektado ang bilateral relations ng dalawang bansa sakaling magkaroon ng pagbabago sa administrasyon ng Amerika.
Paglalarawan pa ng PH Ambassador na sa pamamalagi niya sa Amerika simula noong 2017, nakasalamuha niya ang ilang mga miyembro ng Gabinete at ilang staff ni dating US Pres. Trump at patuloy ang ugnayan nito sa kanila at sinabing ipinagpatuloy ng kasalukuyang administrasyon ni US Pres. Joe Biden ang mga nasimulan ng kaniyang predecessor lalo na sa mga polisiya sa Indo-pacific region.
Sinabi din ni Amb. Romualdez na pareho ang pananaw ni Pres. Biden at Trump kaugnay sa isyu sa China.
Ang pahayag na ito ni Ambassador Romualdez ay sa gitna ng ilang pagkabahala na maaaring maapektuhan ang ugnayan ng PH at Amerika pagdating sa seguridad at kalakalan sa magiging resulta ng halalan sa Nobyembre sa Amerika.