-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Bagama’t komplikadong usapin, hindi umano makakaapekto sa pagiging magkaibigan nina US President Donald Trump at Pangulong Rodrigo Duterte ang mga banat ng ilang mga senador ng Estados Unidos laban sa Pilipinas.

Kasunod ito ng batas na pinirmahan ni Trump na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na sangkot sa pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima na makapasok sa Amerika.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng political analyst na si Prof. Ramon Casiple na nanatiling maayos ang relasyon ng dalawang pinuno kahit nagkapalitan ng mga maanghang na mga salita ang Malacañang at ang ilang mga mambabatas sa US dahil sa isyu ng pagkakapiit ni De Lima.

Inihayag ni Casiple na kahit na hindi ordinaryong usapin ang pagbangayan ng Pilipinas at US Congress, isang aspeto lamang ito at walang epekto sa matibay na relasyon ni Duterte at Trump.

Kung maalala, tila diniktahan nina US Senators Edward Markey Patrick Leahy at Richard Durbin ang Malacañang na pakawalan na si De Lima kaya ipinag-utos ni Duterte na ma-ban ang mga ito kung pupunta sa Pilipinas.