-- Advertisements --

Inilabas na ng Department of Transportation (DOTr) ang mga bagong panuntunan para sa sektor ng pampublikong transportasyon lalo na sa mga lugar na isasailalim na sa general community quarantine (GCQ) simula sa unang araw ng Mayo.

Sa isang virtual press briefing nitong Huwebes ng hapon, sinabi ni DOTr Usec. Artemio Tuazon na ire-require ang mga driver, kundoktor, at mga pasahero na magsuot ng face mask upang payagang makasakay sa mga public utility vehicles (PUV), dahil kung hindi ay hindi raw pasasakayin ang mga ito.

Inenganyo din ng kagawaran ang paggamit ng automatic fare collection system para limitahan ang contact sa pagitan ng driver, kundoktor at mga pasahero.

“Ire-require din ang mga mananakay na magbayad muna sa harapan, sa driver o sa kundoktor, bago sumakay sa mga [PUVs],” wika ni Tuazon.

Dapat din aniyang maglaan ng ng foot baths at iba pang mga disinfection practices ang mga PUVs na nag-ooperate sa GCQ areas.

Mahigpit pa rin umanong susundin sa mga PUV – partikular sa mga bus, modern jeepneys, at shuttle services – ang one-meter physical distancing guidelines kung saan kalahati lang ng karaniwang kapasidad ang dapat isakay.

Sa UV Express naman ay dapat na hanggang dalawang pasahero lang kada row ang makita.

Habang sa mga taxi at Transportation Network Vehicle Service (TNVS) ay dalawa lamang dapat ang maximum na bilang ng mga mananakay.

Sa mga pribadong sasakyan naman, hanggang apat lamang na tao ang papayagan sa loob, kasama na ang driver.

Hindi rin papayagan ang mga private motorcycles na magkaroon ng backride.

Sa mga lugar na mananatili naman sa enhanced community quarantine (ECQ), inilahad ni Tuazon na mananatili pa ring suspendido ang public transportation.

Ayon kay Sec. Arthur Tugade, nakabase ang “new normal” ng transport sector sa pagtitiyak ng kalusugan at kaligtasan ng mga mananakay.

“The new normal is basically predicated on health and safety. Nandiyan ang tinatawag na wearing masks, sanitation, [and] disinfection. Nandiyan ang tinatawag na social distancing. Parang magiging permanente na ‘yang one-meter rule,” wika ni Tugade.

“You follow the social distancing, not only while you are on board in a vehicle, but more importantly, while you wait and while you queue,” dagdag nito.

Inihayag pa ni Tuazon na nitong Huwebes nang kanilang isumite sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang nasabing mga protocol para sa operasyon ng public transportation sa mga lugar na nasa ECQ at GCQ.

Isinama naman ito ng IATF sa Omnibus Guidelines na nakatakdang isumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para ito’y malagdaan.